Buwan ng Wika 2025, Pormal na Sinimulan sa PCSHS

by: ANG BAGWIS

August 6, 2025

Pormal na inilunsad ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2025 sa Pasay City South High School (PCSHS) nitong Martes, ika-5 ng Agosto, sa pangunguna ng mga guro, mag-aaral, at opisyal ng paaralan. Ang selebrasyon ay may temang “Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa,” na layuning palalimin ang pagpapahalaga sa wikang pambansa at mga katutubong wika ng Pilipinas.
Binuksan ang programa sa pamamagitan ng makulay na parada sa loob ng paaralan kung saan nagpakita ng pagkakaisa at kasiglahan ang bawat mag-aaral sa pagsusuot ng makabayang kasuotan at pagdadala ng bandila ng Pilipinas. Pinangunahan ang pagbubukas ng programa ni Gng. Janette A. Catabian, na sinundan agad ng pambungad na pananalita ng kasalukuyang Punongguro IV ng PCSHS, Dr. Felina P. Patagan. Sa kanyang talumpati, binigyang-diin niya ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay hindi lamang sa pagsuot ng barong bagkus ito ay paglalayag bilang isang mamamayang Pilipino. “Hindi lamang ito basta pagpapakita ng ating kasuotan – ito’y pagpapakita ng ating wika, ng ating lengguwahe,” ani ni Dr. Patagan.
 
Upang pasiglahin ang programa, naghandog ng masiglang pagtatanghal ang Southenian Dancesports Team, tampok ang mga sayaw sa saliw ng mga awiting Filipino. Samantala, inilunsad din ang mga patimpalak para sa mga mag-aaral na magpapamalas ng galing sa panitikan, sining, at kultura. Inilahad ni Gng. Jannet B. Tolosa ang mga patimpalak para sa Junior High School, kabilang na ang mga eksklusibong paligsahan para sa mga mag-aaral ng Ika-10 Baitang. Kasabay nito, inihayag naman ni Gng. Melanie R. Azor ang mga inihandang patimpalak para sa Senior High School.
 
Bilang pagtatapos, nagbigay ng pangwakas na mensahe si G. Victor L. Tubilan, Kawaksing Punongguro II, kung saan inanyayahan niya ang lahat na makiisa sa mga susunod na gawain ng Buwan ng Wika, kabilang na ang patimpalak sa Pinakamahusay na Kasuotang Pilipino, na naglalayong higit pang hikayatin ang pagpapakita ng pagmamalaki sa kulturang Pilipino.