Division Science and Technology Fair 2025, Matagumpay na Isinagawa sa PCSHS
by: ANG BAGWIS
October 16, 2025
Inilunsad ang Division Science and Technology Fair (DSTF) 2025 sa Pasay City South High School (PCSHS) ngayong araw, Oktubre 16, 2025, na dinaluhan ng mga mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralang elementarya at sekondarya sa Dibisyon ng Pasay, kasama ang kanilang mga magulang, guro, punongguro at mga opisyal ng DepEd Pasay.
Sinimulan ang programa sa Pagmartsa ng mga Kulay na pinangunahan ng ACTP kasunod ang pag-awit ng Pambansang Awit, Opening Prayer na pinamunuan ni Carla Michaela Gernale, PCSHS SSLG Secretary, at ang Bagong Pilipinas Hymn at Pasay Hymn sa pamamagitan ng Audio-Visual Presentation.
Sa pambungad na pananalita ni Dr. Felina P. Patagan, Principal IV ng PCSHS, buong puso niyang pinasalamatan ang mga dumalo—mga magulang, guro ng Science at STEM, mga organizer, department heads, principals, PSDS, at lahat ng kalahok sa patimpalak.
Nagbigay naman ng pambungad na mensahe si Mr. Quinn Norman O. Arreza, JD, OIC ASDS at OIC Chief EPS-CID. Binanggit niya ang kahalagahan ng agham at teknolohiya bilang daan tungo sa makabagong inobasyon. Hinikayat niya ang mga estudyante na yakapin ang lifelong learning, maging inspirasyon sa iba, at aktibong mag-ambag sa larangan ng siyensya at teknolohiya.
Matapos nito, isinagawa ang pormal na pagkilala sa mga kalahok, na pinangunahan ni Dr. Maripaz T. Mendoza, Education Program Supervisor sa Science ng SDO Pasay.
Bilang paglipat sa susunod na bahagi ng programa, pinangunahan ni Gng. Ma. Elma V. Amongol, Head Teacher VI ng Science Department ng PCSHS, ang pagpapakilala sa mga hurado ng patimpalak na magsisilbing tagapagtimbang ng husay at talino ng mga kalahok.
Naghandog naman ng intermisyon ang PCSHS Science Teachers Dance Troupe, na nagbigay sigla sa pagdiriwang.
Muling nabuhayan ng sigla ang mga kalahok matapos ihayag ni Editha F. Alimbuyuguen , SGH – STEM ng PCSHS, ang kanilang itinalagang mga silid-aralan na gagamitin para sa iba’t ibang kategorya ng patimpalak.
Sa Keynote Address ni Hon. Antonino G. Calixto, District Representative ng Pasay City, nagbigay-diin sa kahalagahan ng siyensya at inobasyon sa paghubog ng kinabukasan ng kabataan.
Kasunod nito, nagbigay rin ng mensahe si Hon. Joey Calixto Isidro, Konsehal ng Lungsod, bilang opisyal na kinatawan nina Mayor Imelda “Emi” Calixto Rubiano at Vice Mayor Mark Calixto na nagpaabot ng suporta at paghanga sa mga batang kalahok na patuloy na nagpapakita ng galing at talino sa larangan ng agham.
Bilang hudyat ng opisyal na pagsisimula ng patimpalak, pumila ang mga kalahok at nagtungo sa kani-kanilang mga itinalagang silid-aralan upang simulan ang iba’t ibang kompetisyon sa larangan ng agham at teknolohiya.













