HIV Seminar, idinaos sa PCSHS

by: ANG BAGWIS

December 2, 2025

Bilang bahagi ng pagtutulak sa mas ligtas at may kamalayang kabataan, isinagawa ang HIV Awareness Seminar sa Pasay City South High School kahapon, sa gymnasium. Kaugnay nito ang paggunita sa World AIDS Day. Nagsimula ang programa sa pangunguna ni G. Steve Lorico, Adviser ng Southeanian Integrity Crusade (SIC).
Naghandog din ng kanilang mensahe ng suporta sina G. Victor L. Tubilan, Kawaksing Punongguro ng Senior High School, at Dr. Cynthia D. Abella, Kawaksing Punongguro ng Junior High School. Mainit namang tinanggap ng paaralan ang panauhing alumnus na si G. Gian Carlo Lapada.
 
Binigyang-diin ng seminar ang pagpapalawak ng kaalaman ng mga mag-aaral ng Baitang 12 tungkol sa HIV. Ibinahagi ni Lapada ang isang malalimang presentasyon hinggil sa konsepto ng HIV—kung paano ito nalalaman, naiiwasan, at ang kasalukuyang estadistika ng mga kaso sa bansa.
 
Sinundan ito ng isang open forum kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang mga mag-aaral na magtanong, magbahagi ng kanilang pananaw, at higit pang palalimin ang kanilang pag-unawa sa paksa.
Bilang pangwakas, nagbigay ng paalala si Gng. Grace L. Cabayao, Puno ng Kagawaran ng Araling Panlipunan. Aniya, “Sa edad ninyo, marami pa kayong matututunan. Dahil sa HIV, walang swerte diyan,” na nagsisilbing daan sa kahalagahan ng tamang impormasyon at pag-iingat.
 
Pagkatapos nito, iginawad ang sertipiko ng pagkilala kay G. Gian Carlo Lapada bilang pasasalamat sa kaniyang mahalagang pagbabahagi tungkol sa HIV at AIDS.