PCSHS, pinaigting ang kahandaan ng mga mag-aaral sa bisa ng Project B.R.I.D.G.E
by: ANG BAGWIS
December 3, 2025
Matagumpay na naisagawa ngayong Miyerkules ng umaga, Disyembre 3, 2025, ang Project B.R.I.D.G.E (Building Real-World Industry Direction through Guided Experience) para sa mga mag-aaral ng ika-12 baitang ng Pasay City South High School.
Pinangunahan ni Bb. Carla G. Gernale ang programa, na naglalayong magbigay ng gabay at impormasyon hinggil sa mga mahahalagang hakbang sa pagpili at pagkuha ng propesyon.
Nagbigay naman ng pambungad na pananalita si Dr. Felina P. Patagan, Punongguro IV, ipinahayag niya ang kanyang taos-pusong paghanga at pagmamalaki sa mga mag-aaral ng PCSHS.
“Mga dear student, huwag ninyong sayangin ang ganitong mga oportunidad sapagkat ito’y para sa inyo. Kayo ang aming ipinagmamalaki,” wika ni Dr. Patagan.
Bilang paglahad ng layunin sa pagkatuto, inilahad ng Master Teacher II SGH-STEM, Gng. Editha F. Alimbuyuguen ang inaasahan na matutunan ng mga mag-aaral sa pagwawakas ng programa.
Upang ipakilala ang mga tagapagsalita sa panayam, unang inanyayahan ni Gng. Dyesibel C. Garcia, HUMSS-English Coordinator, si Gng. Sharon Joie S. Notario, Teacher II ng HUMSS-English, na nagbahagi sa mga mag-aaral ng mahahalagang kaalaman hinggil sa wastong kasuotan sa pagtatrabaho.
Sunod namang pinakilala ni Gng. Tar G. Gunayon, Master Teacher II SGH-TVL, si G. Arnel B. Almedora, Teacher II ng TVL na nagtalakay ng mga gabay sa wastong pag-uugali sa lugar ng trabaho at tamang asal sa pagsasagawa at pagsagot sa job interview.
Para sa huling tagapagsalita, ipinikilala ni Gng. Catherine C. Gonzales, Master Teacher II SGH-HUMSS Social Science, ang tagapagsalita mula HUMSS-English, Gng. Theresa D. Hosawi Teacher II, na naghandog ng kaalaman sa pagsulat ng isang resume para sa trabaho.
Kasunod nito, agad na sinimulan ni Gng. Bona B. Bernales ang open forum upang tugunan ang mga katanungan ng mga mag-aaral bilang paghahanda sa kanilang work immersion na gaganapin ngayong ikatlo at ikaapat na markahan.
Sa bahagi ng open forum, tinanong ng isang mag-aaral mula STEM-Amity ang tungkol sa mga bagay na hindi dapat itanong sa isang job interview.
“Sa isang interbyu, huwag na huwag mong tanungin ang tungkol sa sahod dahil ito ay offensive para sa interviewer. Hayaan mo silang magbanggit nito,” tugon ni Dr. Victor L. Tubilan.
Matapos nito, inilahad ni Gng. Mary Ann E. Garcia, Grade 12 Coordinator, ang mga mahahalagang petsa at layunin kaugnay ng work immersion. Ipinagkaloob din ang mga sertipiko sa mga tagapagsalita bilang pagkilala sa kanilang husay at ambag sa Project B.R.I.D.G.E.
Upang pormal na wakasan ang gawain, pinangunahan ni Dr. Victor L. Tubilan ang pagtatapos ng programa, subalit ito’y maagang natapos dahil sa biglaang paglakas ng ulan.
Sa pagtatapos ng symposium ngayong umaga, inaasahan ang lahat ng mag-aaral ng ika-12 baitang na maisakatuparan ang mga kinakailangan para sa nalalapit na immersion.








