PCSHS Alumnus, naglunsad ng pagsasanay kontra disinformation

by: ANG BAGWIS

November 15, 2025

Pasay City South High School — Sentro ng isinagawang pagsasanay sa pagtalakay ni Mr. Don Dave D. Ventura, isang PCSHS alumnus at kasalukuyang GMA Program Manager, tungkol sa lumalalang pagkalat ng disinformation at ang tungkulin ng kabataang mamamahayag sa pagprotekta sa katotohanan.
“Kailangan nating labanan ang pagkalat ng disinformation at misinformation,” aniya habang tinalakay ang mga batayang prinsipyo at pillars of journalism.
 
Ayon kay Ventura, dapat palaging isaalang-alang ng mga mamamahayag ang pagbe-verify ng impormasyon, pagtitiyak sa reliability ng sources, at pagbibigay ng tumpak na ulat.
 
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng regular na pagbabasa ng dyaryo, panonood ng balita, at pakikinig ng radyo bilang pundasyon ng isang mahusay na tagapaghatid ng impormasyon. “Hindi sapat na marunong magsulat; dapat ay marunong ding magsala ng impormasyon,” dagdag pa niya.
Ibinahagi rin niya ang ilang praktikal na tips kung paano dapat inilalahad ang balita upang manatiling tapat, malinaw, at kapaki-pakinabang para sa publiko.
 
Bago ang talakayan, naghatid ng mainit na pambungad na pananalita si Wilma V. Amores, Puno ng Kagawaran ng Filipino, na nagpasalamat sa pagbabalik ni Ventura upang ibahagi ang kaniyang kaalaman.
Sinundan ito ng mensahe ni Dr. Cynthia D. Abella, Kawaksing Punongguro ng Junior High School, na pinuri ang taos-pusong dedikasyon ng panauhin sa pagpapalakas ng kakayahan ng kabataang mamamahayag.
 
Sa huli, tiniyak ni Ventura sa mga mag-aaral na ang layunin ng bawat mamamahayag ay hindi lamang mag-ulat, kundi maghatid ng impormasyong tama, makabuluhan, at nagsisilbi sa interes ng publiko.