Mass Induction 2025, Matagumpay na Idinaos sa Pasay City South High School
by: ANG BAGWIS
September 16 , 2025
Matagumpay na idinaos ngayong Martes, Setyembre 16, 2025, ang Mass Induction 2025 sa Pasay City South High School (PCSHS). Pinangunahan ang daloy ng programa nina Supreme Secondary Learner Government (SSLG) President Kayden Galen Seth C. Vera Cruz at SSLG Digital Artist Izhel Fayerich Landicho.
Dumalo sa seremonya sina Dr. Felina P. Patagan, Punongguro IV, Dr. Basilisa D. Tomimbang, Public Schools District Supervisor (PSDS), Dr. Cynthia D. Abella, Assistant Principal ng JHS, G. Victor C. Tubilan, Assistant Principal ng SHS, mga Puno ng Kagawaran sa bawat asignatura, at iba pang tagapangasiwang guro sa mga kagawaran. Sa kanyang pambungad na pananalita, ipinahayag ni Dr. Abella ang pasasalamat sa lahat ng lumahok at naging bahagi ng mga samahan. Sinundan ito ng mga pahayag nina Dr. Patagan at Dr. Tomimbang na nagbigay-diin sa kahalagahan ng panunumpa at pananagutan ng bawat kasapi. “Ito po ang pinakahihintay natin sapagkat manunumpa na kayo, pero ang programang ito ay hindi nagtatapos sa panunumpa. Ito ay simula ng challenge at pagiging modelo ng kapwa mag-aaral,” ani Dr. Patagan.
Nagbigay-aliw sa mga dumalo ang pagtatanghal ng Hatak South Nahay at Southenian Dancesport, na nagpamalas ng kanilang husay sa pagsayaw.
Kasunod nito, ipinakilala ang mga tagapayo ng iba’t ibang organisasyon sa PCSHS kabilang sina Gng. Ma. Fatima A. Roja, adviser ng SSLG, at G. Johnsen Cortes ng Ang Bagwis. Ipinagkaloob din ang mga sertipiko sa mga nakibahagi sa Project LASPS.
Bilang intermisyon, umawit si Bb. Karlisle Noelle P. Cruz ng Nandito Ako ni Ogie Alcasid.
Pormal na winakasan ang programa sa pamamagitan ng pangwakas na pananalita ni G. Tubilan, na nagpaabot ng pasasalamat sa lahat ng samahan at kalahok.
Sa pagtatapos ng Mass Induction 2025, higit na pinagtibay ang pananagutan at bagong pag-asa ng bawat kasapi bilang katuwang sa paghubog ng kinabukasan ng mga organisasyon sa Pasay City South High School.






