PCSHS, Naglunsad ng Seminar Laban sa Online Sexual Abuse at Exploitation sa Kabataan
by: ANG BAGWIS
October 10, 2025
Nagdaos ang Pasay City South High School (PCSHS) Senior High School Guidance Office ng capacity building seminar para sa mga adviser at core leaders tungkol sa Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) at Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM), kahapon, Oktubre 9, 2025, sa naturang paaralan.
Sa pambungad na mensahe ni Dr. Felina P. Patagan, Principal IV, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagtitipon bilang pagkakataong mapalalim ang kamalayan sa mga isyung kinahaharap ng kabataan sa digital na mundo at muling suriin ang mga patakaran ukol sa child protection.
Tinalakay ni Dr. Bernadita A. Perez, Education Program Supervisor at Child Protection Specialist ng SDO Pasay, ang mga Supplemental Guidelines for the Implementation of D.O. No. 40, s. 2012 o Child Protection Policy. Ipinaliwanag niya ang mga prohibited acts, mga preventive at responsive mechanisms, at ang bisa ng nasabing kautusan.
Binigyang-pansin din ni Dr. Perez ang mga batas na R.A. 11596 (Anti-Child Marriage Law) at R.A. 11930 (Anti-OSAEC and Anti-CSAEM Law), na parehong naglalayong protektahan ang kabataan mula sa pang-aabusong seksuwal, lalo na sa internet.
Kasama rin sa diskusyon ang responsableng paggamit ng ICT at social media, at ang online risks tulad ng cyberbullying, data privacy issues, at misinformation.
Sa pagtatapos ng gawain, hinimok ni Gng. Mekisa A. Abuan, Guidance Coordinator, ang mga guro na ibahagi at ipaliwanag sa kanilang mga klase ang kaalaman tungkol sa online protection. Binigyang-diin naman ni G. Victor L. Tubilan, SHS Assistant Principal II, na ang tunay na tagumpay ng programa ay makikita sa mas ligtas na mga mag-aaral na may sapat na kaalaman laban sa online abuse.






