Diwa ng Pagkakaisa at Kultura, Tampok sa UN Closing Program ng PCSHS

by: ANG BAGWIS

November 7, 2025

Matagumpay na isinagawa ang United Nations 2025 Closing Program sa Pasay City South High School ngayong araw, Nobyembre 6, 2025 na pinangunahan nina Ms. Dona Calindas Lajarca at Mr. Angelbert Prosperoso bilang mga tagapagdaloy ng programa. Layunin ng nasabing gawain na ipakita ang pagkakaisa at pagpapahalaga sa iba’t ibang kultura sa buong mundo.
 
Sinimulan ang programa sa pamamagitan ng pag-awit ng Makabayang Awitin, Panalangin, Bagong Pilipinas Hymn, at Pasay Hymn na ipinakita sa pamamagitan ng audio-visual na presentasyon.
Pagkatapos nito ay isinagawa ang parada ng mga estudyanteng nakasuot ng international o national costume, na nagpakita ng kulay, kultura, at pagkakakilanlan ng iba’t ibang bansa.
 
Nagbigay ng pambungad na pananalita si Dr. Cynthia D. Abella, Kawaksing Punongguro ng Junior High School, kanyang binigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaisa at paggalang sa mga lahi at kultura. Kasunod nito, ipinakilala ni Grace L. Cabayao, Puno ng Kagawaran ng Araling Panlipunan, ang mga hurado ng patimpalak na sina Kag. Carl Jay Torrico, Kag. Alden Yogi Cariño, at Nurse Margie Morante.
 
Isa-isang nagpakilala ang mga estudyanteng kalahok sa national costume, na sinundan ng paggawad ng sertipiko at medalya sa mga nanalo sa iba’t ibang patimpalak sa Junior High School at Senior High School.
Nagbigay-aliw naman ang mga intermisyon mula sa mga piling mag-aaral ng JHS sa pamamagitan ng pag-awit at pagtatanghal ng cultural dance ng mga SHS na mag-aaral.
 
Sinundan ito ng pag-anunsyo ng mga nagwagi na Top 10 sa Best in National Costume (Top 5 pairs).
Bago tuluyang nagtapos ang programa, nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat ang mga tagapagdaloy sa lahat ng panauhin, hurado, guro, subject group heads, at mga estudyanteng lumahok na naging dahilan ng tagumpay ng UN Closing Program.