Anti-Bullying Caravan, matagumpay na idinaos sa Pasay City South High School
by: ANG BAGWIS
November 25, 2025
Isang caravan kontra bullying ang isinagawa sa Pasay City South High School na pinamagatang “Safe Spaces, Strong Voices: The Anti-Bullying Prevention Caravan for the Development of Kindness and Empathy”.
Sinimulan ang programa sa isang panalangin, na sinundan ng pag-awit ng Makabayang Awitin, Panatang Makabata, at pagbigkas ng DepEd Quality Policy. Pagkatapos nito, isa-isang ipinakilala ang mga kalahok mula sa iba’t ibang paaralan upang pormal na buksan ang kanilang pakikilahok sa gawain.
Sa pambungad na pananalita ni Dr. Felina P. Patagan Principal IV, kanyang binigyang-diin ang kahalagahan ng pakikipaglaban sa bullying at pakikipagtulungan sa paaralan tungkol sa isyung ito.
Nagbigay rin ng maikling mensahe si Kagawad Gerald John Sobrevega, Head Committee on Women and Family and Social Services, kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pangangalaga sa mental health ng bawat isa at kung paano ito nakatutulong upang maiwasan ang mga hindi kanais-nais na pangyayari.
Kasunod nito, ipinaliwanag ni Ma’am Sheryl B. Veruasa ang mga polisiya at layunin ng programa, partikular ang pagbibigay-diin sa kahalagahan ng pagtindig laban sa bullying.
Bilang pampasigla sa programa, nagbigay ng intermisyon si Alexis Dela Cruz mula sa Baitang VI-Leane, Don Carlos Village Elementary School, sa pamamagitan ng kanyang pagtatanghal sa pagkanta.
Binigyang-pansin naman ni Dr. Bernardita A. Perez, EPS-SGOD/LRP Focal Person, ang nakababahalang pagtaas ng kaso ng bullying, ngunit ikinatuwa niya na marami nang kabataan ang nagsusumbong tungkol sa kanilang mga karanasan.
Ibinahagi rin niya ang iba’t ibang anyo ng bullying na maaaring maranasan ng mga kabataan sa loob at labas ng paaralan, pati na rin ang mga posibleng epekto nito sa mga biktima. Nagbigay rin siya ng mga paraan kung paano ito maiiwasan at malalabanan.
Nagkaroon din ng intermisyon ang Pasay City Federation Officers na masiglang sinabayan ng mga estudyante at kanilang mga guro.
Bilang pagtatapos ng aktibidad, nagbigay ng mensahe si Sir Quinn Norman O. Arreza, JD, Assistant School Division Superintendent, kung saan nagpasalamat siya at nagpahayag ng paalala sa kahalagahan ng pagkakaisa ng pamahalaan, paaralan, at komunidad upang epektibong labanan ang banta ng bullying sa loob at labas ng paaralan.










