Teachers’ Month Kick-Off 2025, Matagumpay na Ginunita sa Pasay City South High School
by: ANG BAGWIS
September 5, 2025
Opisyal na sinimulan ngayong Setyembre 5, 2025 ang National Teachers’ Month sa Pasay City South High School sa pamamagitan ng isang programa na may temang “Together4Teachers.”
Pinangunahan ng mga guro, mag-aaral, at opisyal ng paaralan ang pagbubukas ng selebrasyon na isinagawa sa school grounds sa kabila ng pabago-bagong lagay ng panahon. Nagsimula ang programa sa pambansang awit, panalangin, at pag-awit ng Himno ng Pasay.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Dr. Cynthia D. Abella, Kawaksing Punongguro sa Junior High School, ang kahalagahan ng pagkilala sa dedikasyon at sakripisyo ng mga guro. Kasunod nito, nagbigay naman ng pahayag si Dr. Felina P. Patagan, Punongguro IV, at sinabing sorpresa ang naturang selebrasyon para sa mga guro at umpisa pa lamang ito ng mga aktibidad sa buong Teachers’ Month.
Nagpamalas ng talento ang mga mag-aaral sa Grade 11 sa kanilang mga pagtatanghal ng kultural na sayaw tulad ng Panueo Folk Dance ng Grade 11 – Copper at Grade 11 – Bromine, at Kadayawan Festival Dance ng Grade 11 – Iron.
Bilang pagtatapos, nagpaulan ng confetti ang mga estudyante at club officers bilang simbolo ng masigla at matagumpay na pagdiriwang.























