Pagsasagawa ng IDADAIT, pinangunahan ng Brgy. 183 sa PCSHS

by: ANG BAGWIS

October 3, 2025

Bilang pakikiisa sa paggunita ng International Day Against Drug Abuse and Illicit Trafficking (IDADAIT), nagsagawa ng seminar ang mga kawani ng Barangay 183 kasama ang iba’t ibang opisyales ng bawat organisasyon sa Pasay City South High School, kanina Oktubre 3, 2025. Ito ay may layong palakasin ang kamalayan ng mga kabataan hinggil sa masasamang epekto ng ipinagbabawal na gamot.

Pormal na binuksan ang programa sa pamamagitan ng panalangin, pag-awit ng Lupang Hinirang, at Pasay Hymn. Sa pambungad na pananalita ni Hon. Alvin A. Zuñiga, kanyang binigyang-diin ang kahalagahan ng pag-iwas sa droga na aniya’y “nakasisira ng buhay at kinabukasan.”
 
Nagbigay rin ng mensahe ang lead coordinator ng City Anti-Drug Council na si Sir Rowell Capindang. Ibinahagi niya ang datos mula sa Pasay City Jail na 80% ng mga gumagawa ng krimen sa lungsod ay may kaugnayan sa paggamit ng droga. Paliwanag niya, ang droga ay isang chronic disease na nagdudulot ng pangmatagalang epekto at withdrawal symptoms. Dagdag pa niya, “Sumpa ang droga sa buhay nila,” batay sa kanyang mga nakapanayam na dating gumagamit.
 
Kasunod nito, nagbigay naman ng panawagan si Kag. Alden Yogi Cariño na mahalaga ang pagkakaroon ng isang barangay na drug-free, sapagkat dito nagiging mas produktibo ang komunidad. Giit pa niya, “Nasa kabataan ang pag-asa at pagbabago.”
 
Bilang pagkilala sa partisipasyon ng mga dumalo, namahagi ng sertipiko ang mga kawani ng barangay. Kinilala rin ang nagkamit ng pinakamahusay na publikasyon ukol sa kampanya kontra droga—ang Ang Bagwis at Peer Facilitator SHS Club.
 
Bilang pagtatapos ng aktibidad, nagbigay ng mensahe si Francis Mamayson, Chief Admin at Focal Person ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC), na nagpaalala sa kahalagahan ng pagkakaisa ng pamahalaan, paaralan, at komunidad upang labanan ang banta ng ilegal na droga.