Pagtatapos ng Reading Month, Ipinagdiwang sa PCSHS

by: ANG BAGWIS

December 5, 2025

Pormal nang nagtapos ang pagdiriwang ng Reading Month sa Pasay City South High School (PCSHS), noong Disyembre 3, 2025. Dumalo sa programa ang mga mag-aaral at guro na ginanap sa Audio-Visual Room (AVR).
Binuksan ang programa sa pagtatanghal ng chorale sa pangunguna ni Gng. Dyesibel Garcia, sa pagkanta ng pambansang awit. Sinundan ito ng mensahe ng pagbubukas mula sa Punongguro, Dr. Felina P. Patagan, at sa Kawaksing Punongguro ng Junior High School, Dr. Cynthia D. Abella.
Naghatid naman ng pagtatanghal ang 11-Bromine sa kanilang pag-awit ng “Who Will I Be.” Mula rito ay ipinakilala ang mga kalahok sa Literary Cosplay. Sinundan ito ng masiglang sayaw mula sa mga opisyal ng English Club kasama ang ilang guro sa English.
Ipinahayag din ang mga nagwagi sa iba’t ibang kategorya tulad ng Reading Proficiency, Essay Writing, Spelling Bee, Slogan Making, Poster Making, at Oratorical. Matapos nito ay tinukoy rin ang mga nanalo sa Literary Cosplay.
Bilang pangwakas, nagbigay ng inspirasyonal na mensahe si Gng. Amelyn L. Villanueva, Puno ng Kagawaran ng English, bago tuluyang nagtapos ang programa sa pagtatanghal ng dulang musikal ng Grade 8 – Archimedes, na adaptasyon ng pelikulang “Tangled.”