Husay ng Mag-aaral, Tampok sa Matagumpay na Pagtatapos ng Reading Month

by: ANG BAGWIS

December 5, 2025

Matagumpay na idinaos ang Closing Program ng National Reading Month 2025 kahapon, na may temang “Bridges of Understanding: Reading for Empathy, Critical Thinking, and Lifelong Learning.”

Pormal na sinimulan ang programa sa pag-awit ng Pambansang Awit, panalangin, at Himno ng Pasay na pinangunahan ng Katimugan Music Club.
Sa pambungad na pananalita ni Gng. Dyesibel Garcia, nagpasalamat siya sa mga mag-aaral na lumahok sa mga paligsahan sa Literary at Contemporary Cosplay. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng karunungan sa pagbabasa at pag-unawa.
Nagtanghal ng isang nakaaaliw at kapana-panabik na musical ang STEM 11–Argon, na nagdulot ng masigabong palakpakan mula sa madla.
Sinundan ito ng pangunang mensahe ni Dr. Cynthia D. Abella, Kawaksing Punongguro ng SHS, na nag-iwan ng katagang “Knowledge is our greatest treasure, and imagination is our guide.”
Kasunod nito, isa-isang ipinakilala ang mga hurado ng Literary and Contemporary Cosplay Contest: Ma’am Amy P. Fernandez, Ma’am Alma C. Aniceto, at Ma’am Ma. Luisa A. Boyboy.
Umani ng hiyawan at palakpakan ang pagrampa at pagpapakitang-gilas ng mga kalahok sa nasabing patimpalak. Nauna munang ipinakilala ang mga literary cosplayers, sinundan ng mga contemporary cosplayers, na kapwa tinanggap nang mainit ng mga manonood.
Nagtanghal naman ang STEM 11–Barium ng isang Reader’s Theater na lalong ikinatuwa ng madla.
Nagtapos ang programa sa panghuling mensahe ni G. Victor L. Tubilan, Kawaksing Punongguro ng JHS, at sa pagbibigay-parangal sa mga nagwaging kalahok sa iba’t ibang kategorya ng programa.